Miyerkules, Oktubre 17, 2012

Yanong Rikit, Baling Ganda!

          "Talaga? Sa Lucban?"

          Hindi pa rin ako makapaniwala. Kahit tuwing Biyernes, na bumabalik ako sa aking tinubuang bayan; ngunit iba pa rin ang pakiramdam na sa inyong munisipalidad magaganap ang Division Schools Press Conference.

          Babalik na naman ako sa Lucban!

          Hindi namin inaasahan na naging mabilis ang aming biyahe. Naramdaman ko kaagad ang mala-Baguiong lamig na dumarampi sa aking katawan. Alam ko na nandito na kami.

         Nakita ko na naman ang hilera ng mga puno sa daan, parang sasalubungin kami. Nagpapahiwatig na tunay na paraiso ang bayan ng Lucban.

         At ang alindog na ipinahayag sa amin ng nakatunghay na Bundok Banahaw. Nabulalas kami sa ganda at humanga pa lamang kami pagpasok ng aming bayan.

        Tumalikod ako, at nakita ko ang kamangha-manghang Kamay ni Hesus. Bigla kong natunghayan ang 50-talampakang istatwa ni Hesus, na gumagabay sa aming pagdating.

        Pati na nung pumasok kami sa kalagitnaan ng bayan. Ang Roman Catholic Church at Rizal Park na sa tuwing tinitingan ko ito, nasisilayan ko ang mayamang kasaysayan ng Lucban. Ang Batis Aramin na nakapagpanganga sa akin nang maraming beses na, dahil sa taglay nitong karikitan. Ang Pahiyas Festival na isa sa mga dahilan kung bakit kumukumpleto ang aking bakasyon.  Nakaramdam ako ng pagmamalaki at lubusan pang pagmamahal sa minamahal kong munisipalidad.

        Pagkababa namin, ako'y nagmuni-muni. Humakbang ng isa, o mga dalawa sa aking elementaryang pinag-aralan. Nagmasid sa paligid. Naglakad-lakad. Tuluyan ko nang naramdaman ang nababalot na hiwaga - hiwagang nagdadala sa akin sa isang paraiso. Paraisong hindi kailanman maitatanggi ang kaakit-akit na ganda. At ano ang paraisong ito? Ito ang Lucban.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento