Balikan natin ang mga panahon; kung saan masayang nagtatampisaw sa mga ilog ang mga bata, umaakyat sa mga puno, at maligayang naglalaro sa mga damuhan nang walang kamalay-malay.
Ito ay mga panahon, na umaawit pa ng saya at sigla ang ating Inang Kalikasan.
Pero, nag-iba na ang panahon ngayon.

Tayo'y pumasok na sa isang panahon na napapalibutan ng teknolohiya, mga imprastraktura, at iba pang gawa ng tao.
Kung sa kanila'y progreso, pagkasira naman ito sa ating mundo. Ayon sa tala ng
greenfacts.org, 130 000 kilometro kwadrado ng mga kagubatan ang pinuputol kada taon.
Tumataas na rin ang ating temperatura kada taon ng 0.74°C. Maging ang lebel ng ating dagat ay umakyat ng 17 sentimetro simula noong ika-20 siglo; dahil sa pagkatunaw ng yelo sa mga rehiyong polar.

Dumarami na rin ang mga
endangered species sa mundo. Naging 5 000 na ito base sa datos ng
allaboutwildlife.com.
Ngunit; kahit wala ang lahat ng mga datos o tala, kitang-kita pa rin ang mga bakas ng ating "pag-unlad". Pag-unlad ba ito kung hahayaan nating mawala ang ating pinakaiingatang mga likas na yaman?
Tumingin naman tayo sa iba pang perspektibo. Halimbawa, ginawa ang mundo para sa atin lamang mga tao. Ngunit kaakibat pa rin nito ang responsibilidad na alagaan ang mga yamang likas na lubhang kailangan sa pag-unlad ng bawat tao.
Hindi pa huli ang lahat. Maaari pa nating ibalik ang ating paraisong daigdig. Paano? Maraming paraan.
Ang pinakamadaling paraan ay ang pagtitipid at pagbawas sa paggamit ng kuryente, tubig, at iba pa. Maaari ring makilahok sa mga organisasyon na may kinalaman sa kalikasan...
...At ang isa sa pinakamahalagang gawin, ang pagtutulungan ng bawat tao sa ating mabuting adhikain. Kung hindi tayo magsasama-sama, baka tuluyan nang maglaho ang ating tinatawag na TAHANAN.
Habang may buhay, may pag-asa. Huwag nating hayaan na mawala na sa ating paningin ang mga magagandang regalo na bigay sa atin ng Diyos. 'Wag nang magpatumpik-tumpik pa, tayo'y kumilos na!